Isa sa hindi ko malilimutang alaala ng aking kabataan ay ang sinasabi noon ng aming pastor na alalahanin namin ang pagbabautismo sa amin sa tubig. Pagkatapos noon ay winiwisikan niya kami ng tubig. Bilang bata, naaaliw ako at nagtataka rin sa ginagawa niyang iyon.
Bakit nga ba kailangan nating alalahanin ang tungkol sa bautismo? Higit pa sa tubig kung saan tayo binautismuhan ang dapat alalahanin. Ang bautismo ay pagpapakita ng isang tao na sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya, ang buhay mismo ni Cristo ang isinuot sa kanya (GALACIA 3:27). Sa madaling salita, isa itong pagdiriwang dahil tayo ay para sa Dios at namumuhay Siya kasama nating mga nagtitiwala sa Kanya.
Bukod pa rito, ipinaparating ng talata na dahil nga tayo ay nakay Cristo na, tanging sa Kanya lamang natin matatagpuan ang ating pagkakakilanlan. Tayo’y mga anak ng Dios (TAL. 26). Ginawa Niya tayong matuwid dahil sa ating pananampalataya sa Dios at hindi dahil sa pagsunod sa Kautusan (TAL.23-25). Hindi na tayo pinaghahati-hati ng ating kasarian, kultura at kalagayan sa buhay. Bagkus, tayo ay pinalaya na at pinag-isa sa pamamagitan ni Cristo at tayo’y sa Kanya na (TAL.29).
Marami talagang dahilan para alalahanin ang bautismo at ang sinisimbolo nito. Hindi lamang natin binibigyangpansin ang pagbabautismo, bagkus, mas dapat nating pagtuunan ng higit na atensyon ang katotohanang tayo ay nakay Cristo at naging anak ng Dios. Ang ating pagkakakilanlan, ang ating hinaharap at ang kalayaang espirituwal ay tanging sa Kanya lamang masusumpungan.