Naging bahagi ng World War II si Desmond Doss. Hindi man siya maaaring gumamit ng baril dahil sa kanyang relihiyon, naglingkod siya bilang isang medic officer. Sa isang labanan, kahit pa nga mapanganib, nagawa niyang tulungan ang 75 sundalo matapos silang masugatan. Ang kanyang kabayanihan ay inilathala sa dokyumentaryo na pinamagatang, The Conscientious Objector at isinapelikula rin na may pamagat naman na Hacksaw Ridge.
Kasama naman sa listahan ng mga itinuturing na bayani ng pananampalataya ang matatapang na karakter sa Biblia tulad nina Abraham, Moses, David, Elias, Pedro at Pablo. Pero mayroon din namang mga bayaning hindi gaanong nabigyang pansin gaya nina Jose ng Arimatea, at Nicodemo na nanindigan laban sa mga pinunong Judio upang mabigyan si Jesus ng maayos na libing (JUAN 19:40-42). Bagamat hindi hayag ang pagsuporta nila kay Jesus, nagpakita sila ng katapangan sa kanilang ginawa (TAL. 38-39). Ang higit na kahanga-hanga ay kung paano nila pinanindigan ang pananampalataya nila kay Jesus kahit bago pa man Siya magtagumpay laban sa kamatayan. Bakit kaya?
Marahil ay pinadalisay ng pagkamatay ni Jesus at ng mga sumunod na pangyayari ang pananampalataya ng mga natatakot niyang tagasunod. Marahil ay natutunan nilang ituon ang kanilang pansin sa kung sino ang Dios, sa halip na matakot sa kayang gawin sa kanila ng tao.
Ano pa man ang naging inspirasyon sa kanila, nawa’y tularan natin sila upang tayo rin ay magkaroon ng tapang na harapin ang panganib na kaakibat ng ating pananampalataya sa Dios.