Nang dinukot ang siyam na taong gulang na si Willie sa kanilang bakuran noong 2014, inawit niya nang paulit-ulit ang kanyang paboritong awitin na Every Praise. Sa loob ng tatlong oras na nakasakay siya sa kotse kasama ang mga kidnapper na dumukot sa kanya, patuloy pa rin ang kanyang pag-awit kahit na pilit siyang pinatatahimik ng mga ito. Kalaunan ay pinababa rin siya at pinalaya ng mga kidnapper nang hindi man lang sinasaktan. Ikinuwento ni Willie na kahit takot na takot siya noon, patuloy siyang umawit at nabalisa ang mga kidnapper dahil dito.
Maihahambing ang naging karanasan ni Willie sa karanasan nina Pablo at Silas noong ikulong sila. Habang nasa bilangguan, nanalangin sila at umawit. Nakikinig sa kanila ang ibang bilanggo nang biglang magkaroon ng malakas na lindol at nayanig ang bilangguan. Nabuksan ang lahat ng pintuan at natanggal ang mga kadena ng mga bilanggo. Sa kabila nito, hindi tumakas sina Pablo at Silas at ang lahat ng mga bilanggo (GAWA 16:25-26, 28).
Pagkatapos ng pangyayaring iyon, sumampalataya ang guwardiya at ang kanyang pamilya sa Dios na pinaniniwalaan nina Pablo at Silas (27-34). Sa pamamagitan ng pag-awit ng papuri sa Dios nila Pablo, ang kasalanan na tila kadenang bumibilango sa guwardiya ay nawasak rin dahil nagtitiwala na siya sa Panginoon.
Maaaring hindi kasing-bigat ng mga naranasan nina Pablo, Silas at Willie ang ating mga nararanasan. Pero nalalaman natin na ang Panginoon ay tumutugon sa mga taong naglilingkod at nagpupuri sa Kanya. Kapag ang Dios ang kumilos, makakalaya tayo sa mga problema parang kadenang nakagapos sa atin.