Kailan mo huling naramdaman na may nag-uudyok sa iyo na tulungan ang isang tao pero hindi mo naman ginawa? Sa librong The 10-Second Rule, sinabi ni Claire de Graaf na ginagamit ng Dios ang mga pagkakataon kung saan nag-uudyok Siya na gawin natin ang isang bagay. Sa pamamagitan nito, tinuturuan Niya tayo na sumunod sa Kanya bilang pagpapakita ng ating pagmamahal sa Kanya. Hinihikayat tayo ng The 10-Second Rule na kung inuudyukan tayo ng Dios na gawin ang isang bagay, gawin natin ito agad bago pa man magbago ang isip natin.
Sinabi ni Jesus, “Kung mahal N’yo ako, susundin N’yo ang aking utos” (JUAN 14:15). Maaaring naiisip natin na mahal natin si Jesus pero paano natin matitiyak kung ano ba talaga ang nais Niyang ipagawa sa atin? Makakaasa tayo na bibigyan tayo ni Jesus ng karunungan para maunawaan at masunod natin ang mga sinasabi sa Biblia. Sinabi Niya, “Hihilingin Ko sa Ama na bigyan Niya kayo ng isang Tagatulong na nasa inyo magpakailanman. Siya ang Banal na Espiritu na tagapagturo ng katotohanan” (TAL. 16-17).
Ang Banal na Espiritu ang tutulong sa atin upang masunod ang nais ng Dios na gawin natin sa bawat araw (TAL. 15, 17).
Sa maliit man o sa malaking bagay na gagawin natin, palalakasin ng Banal na Espiritu ang ating loob upang mapapurihan ang Dios. Sa pamamagitan ng pagsunod sa Dios, maipapadama natin ang ating pagmamahal sa Kanya at sa ating kapwa (TAL. 21).