“Tay, nasaan ka na?” Nasa bakuran na ako ng aming bahay nang tawagan ako ng aking anak. Kailangan ko kasi siyang ihatid ng alas sais ng gabi para sa kanyang pagsasanay. Dumating naman ako sa tamang oras pero halata sa boses niya ang pag-aalinlangan kung aabot ba ako sa oras. Sagot ko sa kanya, “Nandito na ako, bakit hindi ka nagtitiwala sa akin?”
Habang sinasabi ko iyon, napaisip ako kung ilang beses din kayang nasabi sa akin ng aking Ama sa langit kung bakit hindi ako nagtitiwala sa Kanya? Nahihirapan din kasi ako minsan na maniwala na gagawin ng Dios ang mga pangako Niya at naitatanong ko kung nasaan Siya.
Kapag marami na akong nararanasang problema, nag-aalinlangan ako kung kasama ko ba ang Dios. Ganito rin ang pinagdaanan ng mga Israelita. Sa Deuteronomio 31, nag-hahanda na silang pumasok sa lupang pangako pero natakot sila dahil hindi na nila makakasama roon ang kanilang pinunong si Moises. Pinaalalahanan naman sila ni Moises na pangungunahan sila ng Panginoon at sasamahan sila. Hindi Niya sila iiwan o pababayaan kaya hindi sila dapat matakot at panghinaan ng loob (TAL. 8).
Ang pangako ng Dios na hindi Niya tayo iiwan ang magpapatibay sa ating pagtitiwala sa Kanya (MATEO 1:23; HEBREO 13:5). Ito rin ang sinasabi sa Pahayag 21:3, “Ngayon ang tahanan ng Dios ay nasa piling na ng mga tao. Mananahan Siyang kasama nila.”
Nasaan ang Dios? Nandito Siya kasama natin at laging handang makinig sa ating mga panalangin.