Isang kaibigan namin ang nagprisinta para mag-alaga ng mga anak namin para makapagdate kaming mag-asawa. “Pumunta kayo sa isang espesyal na lugar!” Iyan ang sinabi ng kaibigan namin. Pero dahil praktikal kaming mag-asawa, pumunta na lang kami sa pamilihan at namili ng mga kailangan namin. Nagulat ang kaibigan namin nang umuwi kaming may bitbit na mga grocery. Nagtataka siya kung bakit hindi kami pumunta sa isang espesyal na lugar. Sinabi namin na nagiging espesyal ang isang date hindi dahil sa kung ano ang ginawa n’yo, kundi kung sino ang kasama mo.
May isang aklat naman sa Biblia na masasabing hindi ganoon kaespesyal. Ito ang aklat ng Ruth. Itinuturing ng iba na isang makabagbag-damdaming kuwento lamang tungkol sa dalawang taong nagmamahalan ang aklat na ito.
Pero isang espesyal na pangyayari ang nakapaloob sa aklat na ito. Sa huling kabanata ng Ruth, mababasa natin na nagkaroon ng anak sina Ruth at Boaz. Siya si Obed na naging lolo ni David (4:17). Sa Mateo 1:1, sinasabi naman na mula sa lahi ni David si Jesus. May magandang plano ang Dios! Naging espesyal ang ordinaryong kuwento nina Ruth at Boaz dahil kay Jesus. Napakaganda ng plano Niya.
Madalas na ganito rin ang pananaw natin sa mga gawain natin. Sa tingin natin, tila ordinaryo lamang at hindi mahalaga ang mga pagsisikap natin. Pero kung iisipin natin na may plano ang Dios sa mga pangyayari sa ating buhay, magiging tunay na espesyal at mahalaga ang mga ito.