Pasakay na ako sa aking kotse nang mapansin ko na may nakabaong pako sa isa sa mga gulong nito. Inakala kong sasabog na ito. Laking pasalamat ko na may pansamantalang nakatakip sa butas na iyon.
Habang papunta ako sa bilihan ng gulong, napaisip ako, “Ilang araw o ilang linggo na kayang nakabaon ang pakong iyon? Gaano katagal na kaya akong nailalayo sa kapahamakan nang hindi ko nalalaman?
Madalas, akala nati’y alam at kontrolado natin ang lahat ng bagay. Pero ipinaalala sa akin ng pakong iyon na wala tayong kontrol sa mga pangyayari.
Sa tuwing tila nawawalan tayo ng direksyon at hindi natin kayang kontrolin ang mga nangyayari sa ating buhay, makakaasa tayo na nariyan ang Dios. Sa Salmo 18, nagpapasalamat si David dahil palagi siyang binabantayan ng Dios (TAL. 34-35). Sinabi ni David, “Kayo ang nabibigay sa akin ng kalakasan...Pinaluwag N’yo ang aking dadaanan, kaya hindi ako natitisod” (TAL. 32, 36). Sa tulang papuring ito, ipinapahayag ni David ang walang sawang paggabay at pagtulong ng Dios sa kanya (TAL. 35).
Hindi man ako katulad ni David na sumusuong sa mga labanan; madalas pa rin na nagiging magulo ang takbo ng buhay ko.
Gayon pa man, lagi akong makakaasa sa paggabay ng Dios sa lahat ng panahon. Alam Niya ang lahat ng bagay. Alam Niya ang lahat tungkol sa buhay ko. Siya ang Panginoon ng lahat, maging ng mga maituturing na “pako” sa buhay natin.