Ayon sa manunulat na si Malcolm Gladwell, sampung libong oras ang kakailanganing bunuin ng isang tao upang maging mahusay sa kanyang ginagawa. Kahit na ang mga tanyag na mga tao sa iba’t-ibang larangan ng sining ay nililinang pa rin ang kanilang mga talento sa araw-araw. Ginagawa nila ito para mas maging mahusay pa.
Gayon din naman, kailangan ng mga sumasampalataya kay Jesus na sanaying mamuhay araw-araw na kasama ang Banal na Espiritu. Kaya, hinihikayat ni Apostol Pablo ang mga mananampalataya sa Galacia na ilaan ang sarili para sa Dios. Pero ipinaliwanag ni Pablo na hindi ito makakamtan sa pamamagitan lamang ng pagsunod sa ilang itinakdang tuntunin.
Sa halip, nais ng Dios na lumakad tayo kasama ang Banal na Espiritu. Ibig sabihin, mamuhay tayo sa araw-araw nang ayon sa kalooban ng Banal na Espiritu (GALACIA 5:16). Hindi lamang isang beses na karanasan ang maranasan ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Sa halip, kung hahayaan natin ang Banal na Espiritu na manguna sa ating buhay, araw-araw natin itong mararanasan.
Idalangin natin sa Dios na bigyan tayo ng kakayahan na laging ipagkatiwala ang ating buhay sa pagkilos ng Banal na Espiritu na siyang gumagabay, nagtuturo at nagbibigay sa atin ng kaaliwan. At habang hinahayaan natin na kumilos ang Banal na Espiritu sa ating buhay (TAL. 18), lalo nating mararanasan ang Kanyang kapangyarihan.