Marahil narinig mo na ang tungkol sa Leaning Tower of Pisa na nasa Italy. Pero, alam ba ninyo ang tungkol sa leaning tower ng San Francisco na nasa U.S? Kilala rin ito sa tawag na Millennium Tower. Napakataas nito ngunit bahagyang nakatagilid.
Hindi raw sapat ang hukay para pundasyon kaya ito tumagilid. Kaya naman, mapipilitan silang ayusin ito sa halaga na mas mataas pa sa ginastos nila noong itinayo ang gusali. Maaari kasi itong gumuho kapag nagkaroon ng lindol.
Ano naman ang matututunan natin dito? Mahalaga ang matibay na pundasyon. Kung hindi matibay ang pundasyon, pagkawasak ang dulot nito. May itinuro naman ang Panginoong Jesus tungkol sa pundasyon sa Mateo 7:24-27. Sinabi ni Jesus sa mga tao ang kaibahan ng dalawang tao na nagtayo ng bahay. May nagtayo sa ibabaw ng bato at isa naman ay sa buhangin. Nang dumating ang bagyo, tanging ang nagtayo ng bahay sa ibabaw ng bato ang nanatiling matatag.
Ano naman ang nais nitong iparating? Ipinaparating nito na nais ni Jesus na ang pundasyon ng ating buhay ay ang sumunod at magtiwala sa Kanya (TAL. 24). Kung magtitiwala tayo kay Jesus, mararanasan natin ang kapangyarihan at kagandahang-loob ng Dios sa ating buhay.
Hindi naman ipinangako ng Dios na hindi na tayo haharap sa mga problema. Pero, kung ang Dios ang matibay nating pundasyon, anuman ang mabibigat na problemang darating ay malalampasan natin sa tulong Niya.