Napag-alaman ng mga siyentipiko na ang mundo lamang ang nasa tamang layo sa araw upang mapakinabangan ang init nito. Kung malapit tayo nang kaunti sa araw tulad ng planetang Venus, matutuyo ang tubig ng mundo. Gayundin naman, kung mapapalayo tayo nang kaunti sa araw tulad ng Planetang Mars ay magyeyelo ang buong mundo. Ang ating mundo rin ang tanging nakakapaglikha ng saktong dami ng gravity. Dahil kung maliit ang ating mundo, kakaunti ang gravity na malilikha nito at matutulad naman tayo sa buwan na lumulutang ang lahat ng bagay.
Sa pagdami naman ng gravity, lumilikha ito ng nakakalasong hangin na papatay sa lahat ng may buhay tulad sa napakalaking planetang Jupiter. Saktong lugar talaga ang ating mundo para sa atin.
Kaya naman, kahanga-hanga talaga ang pagkakadisenyo ng Manlilikha sa kabuuan ng mundo. Mababasa naman sa Aklat ni Job kung gaano kakumplikado ang pagkalikha ng Dios sa mundo. Tinanong din ng Dios si Job ng ganito, “Nasaan ka noong nilikha Ko ang pundasyon ng daigdig?” “Alam mo ba kung sino ang nagpasya ng magiging lawak ng pundasyon at sukat nito? Kung talagang may alam ka, sabihin mo sa Akin. Sino ang may hawak ng pundasyon ng mundo? At sino ang naglagay ng pundasyon na ito?” (JOB 38:4-6).
Sa mga tanong na ito tungkol sa paglikha, maiisip din natin kung bakit yumuyukod ang dagat sa Manlilikha na Siyang “naglagay ng hangganan sa dagat nang bumulwak ito mula sa kailaliman,...at nagsabing ‘Hanggang dito ka lang at huwag kang lalampas” (TAL. 8-11). Kaya naman, papurihan natin ang Dios sa mundong ating ginagalawan na nilikha Niya para sa atin.