Isinalaysay ni Omawumi Efueye o kilala bilang Pastor O sa kanyang tulang “Minamahal na Anak,” ang tungkol sa pagnanais ng kanyang magulang na ipalaglag siya noong nasa sinapupunan pa siya. Gayon pa man, hindi natuloy ang plano nilang iyon at nagdesisyon na buhayin ang kanilang anak sa tulong ng Dios. Nang malaman ni Pastor O na iniligtas ng Dios ang kanyang buhay noon, nahikayat siya na iwanan ang maganda niyang trabaho. At tapat na naglilingkod sa Dios bilang isang pastor.
Namagitan din naman ang Dios sa masamang layunin ni Haring Balak ng Moab sa mga Israelita na naglalakbay sa liblib na lugar at walang kaalam-alam sa mga pangyayari. Natakot kasi si Balak sa dami ng mga Israelita na dumaraan sa kanyang lupain. Kaya naman, ipinatawag ni Balak si Balaam na isang manghuhula upang sumpain ang manlalakbay na Israelita (BILANG 22:2-6).
Pero, may kamangha-manghang nangyari. Sa tuwing magsasalita kasi si Balaam, hindi sumpa ang lumalabas dito. Sa halip, pagpapala para sa mga Israelita ang nasasabi niya, “Inutusan Niya akong magbasbas, at kapag nabasbasan na Niya, hindi ko na ito mababawi pa. Wala akong nakitang kapahamakan o kaguluhan na dadating sa Israel. Kasama nila ang Panginoon na kanilang Dios” (BILANG 23:20-22). Iniligtas ng Dios ang mga Israelita sa isang labanan na wala manlang silang kamalay-malay.
Nakikita man natin o hindi ang mga nangyayari sa ating buhay, tiyak naman na nakikita ng Dios ang mga nagtitiwala sa Kanya. Sambahin natin ang Dios na may pagpapasalamat sa Kanyang pagtulong sa atin.