Tila nailalaan na natin sa teknolohiya ang maraming oras ng ating atensyon. Lalo na sa paggamit ng internet. Nagagawa kasi nitong pagsama-samahin ang lahat ng nalalaman ng tao sa isang iglap. Pero ang patuloy na paggamit nito ay may masamang epekto rin sa atin.
Sinabi ng isang manunulat na nagdudulot ng pagkabalisa ang laging paggamit ng internet upang malaman kung ano ang nangyayari sa ating paligid. Hindi na kasi natin namamalayan na labis na ang nailalaan nating atensyon sa internet dahil ayaw nating may hindi tayo malaman na bagong balita. Ito ang nagdudulot sa atin ng pagkabalisa.
Naranasan din naman ni Apostol Pablo ang mabalisa. Gayon pa man, alam ni Pablo na ang ating kaluluwa ay naghahanap ng kapayapaan na mula sa Dios. Kaya naman, hinikayat ni Pablo ang mga bagong sumasampalataya kay Jesus na nagtitiis ng pagmamalupit. Sinabi ni Pablo, “Lagi kayong magalak, laging manalangin, at magpasalamat kayo kahit ano ang mangyari, dahil ito ang kalooban ng Dios para sa inyo na mga nakay Cristo Jesus” (1 TESALONICA 2:14;5:16-18).
Hinihikayat tayo ni Pablo na laging manalangin. Pero gaano kadalas natin itong ginagawa? Mas higit pa ba sa paggamit natin ng cellphone at pag-iinternet? Ano kaya ang mangyayari kung mas maraming oras tayong nailalaan sa pakikipag-usap sa Dios at sa pag-aaral ng Kanyang Salita upang higit pa natin Siyang makilala? Humingi tayo ng tulong sa Banal na Espiritu araw-araw upang magawa nating mailaan ang buong atensyon sa ating Dios.