Sa isinulat ni C. S. Lewis na The Lion, the Witch and the Wardrobe, nagdiwang ang buong Narnia nang magbalik ang leon na si Aslan pagkatapos ng mahabang panahon. Pero ang kagalakang iyon ay napalitan ng kalungkutan at kawalan ng pag-asa. Pumayag kasi si Aslan sa hiniling ng White Witch na mamatay siya. Nawalan ng pag-asa ang mga tagasunod ni Aslan dahil inaakala nilang natalo na si Aslan. Pero nang marinig nila ang makapangyarihang dagundong ng sigaw ni Aslan, nabuhayan sila ng loob. Tumakas naman ang White Witch kasama ng mga kampon nito. Pinatunayan ni Aslan na mas dakila siya kaysa sa masamang White Witch.
Nawalan din naman ng pag-asa ang tagasunod ni Propeta Eliseo nang makita niya na napapaligiran sila ng hukbo ng kanilang kaaway. Sinabi ng tagasunod ni Eliseo, “Ano po ang gagawin natin, amo?” (2 HARI 6:15). Mahinahon namang tumugon si Propeta Eliseo. Sinabi niya, “Huwag kang matakot. Mas marami tayong kasama kaysa sa kanila” (T. 16).
Pagkatapos nanalangin si Eliseo, “Panginoon, buksan po Ninyo ang mga mata ng katulong ko para makakita siya.” Binuksan ng Panginoon ang mga mata ng katulong, at nakita niya na puno ng mga kabayo at karwaheng apoy ang kaburulan sa paligid ni Eliseo” (T. 17). Pinatunayan ng Dios na dakila at higit Siyang makapangyarihan sa anumang hukbo dito sa mundo.
Maaaring magdulot sa atin ng kawalan ng pag-asa at pagkatalo ang mga nararanasan nating mabibigat na problema. Kaya naman, hilingin natin sa dakilang Dios na buksan ang ating mga mata upang ating makita na kasama natin Siya at kumikilos Siya para tulungan tayo.