Nakahuli ka na ba ng dragon? Ako hindi pa, hanggang sa nakumbinsi ako ng aking anak na mag-download ng isang laro sa cellphone. Mayroong mapa doon na kagaya sa totoong buhay, tapos puwede mong hulihin iyong makukulay na dragon na malapit sayo.
Hindi gaya sa ibang game, kailangan dito ng paggalaw. Bahagi ng laro iyong lugar na kinaroonan mo. Ang resulta, lakad ako nang lakad! Kada maglalaro kami ng anak ko, sinasamantala ko ang bawat pagkakataon para makahuli ng mga sumusulpot na dragon.
Madaling mapatuon ang atensyon natin sa mga larong gaya nito. Pero habang naglalaro ako, ang tanong na ito ang humamon sa akin: Ganito din ba ako kadeterminado sa mga bagay na pang-ispirituwal?
Alam ni Pablo na kailangan nating maging alerto sa gawa ng Dios sa paligid natin. Sa Colosas 4, humingi siya ng panalangin para magkaroon ng pagkakataong maibahagi ang mabuting balita (T.3). Tapos hinamon niya sila, “Maging matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi mananampalataya, at samantalahin n’yo ang lahat ng pagkakataon na maibahagi ang pananampalataya n’yo” (T. 5). Ayaw ni Pablo na malampasan ang mga taga-Colosas ng pagkakataon para maimpluwensyahan ang iba tungkol kay Kristo. Pero para magawa iyon, kailangang makita muna ang mga pangangailangan ng iba at mapakitunguhan sila nang “kawili-wili” (T.6).
Sa mundo natin, maraming kumukuha ng ating oras at atensyon higit sa mga di-totoong dragon sa mobile games. Pero iniimbitahan tayo ng Dios na makibahagi sa isang tunay na pakikipagsapalaran, na sa bawat araw at bawat pagkakataon ay maihayag Siya.