Madalas akong makakita ng mga gansa na nagtitipon sa damuhan na malapit sa aking pinagtatrabahuhan tuwing tagsibol. Pero ngayon, nag-iisa lang ang gansa na nakita ko sa aking bakuran. Tila nakalugmok ito at tinatakpan ng mga pakpak nito ang kanyang ulo. Iyon na ata ang pinakamalungkot na gansa na nakita ko. Gusto ko tuloy itong yakapin.
Madalang lang akong makakita ng gansa na nag-iisa tulad ng nakita ko sa aking bakuran. Karaniwan kasi sa mga ito ang laging magkakasama. Para bang nilikha sila para magsama-sama.
Ganoon din tayong mga tao na nilikhang likas na nagnanais ng makakasama (GENESIS 2:18). Sa Mangangaral 4:10, inilarawan ni Solomon kung paanong maituturing na mahina ang isang tao kapag nag-iisa siya, “nakakaawa ang taong nag-iisa at nadapa, dahil walang tutulong sa kanya.” Sinabi pa niya, “Madali kang matalo kung nag-iisa ka, pero kung may kasama ka, mahirap kayong talunin. Tulad din ng lubid na may tatlong pilipit na hibla, mahirap itong malagot” (TAL. 12).
Makabubuti rin sa ating espirituwal na buhay kung may kasama tayo at hindi rin kailanman ninanais ng Dios na magisa tayo. Kailangan natin ang bawat isa para magpalakasan ng loob at magkakasamang lumago sa ating pananampalataya (1 CORINTO 12:21).
Kung tayo’y magkakasama, mas magiging malakas at matatag tayo sa pagharap sa anumang hamon ng buhay.