Minsan, sinubukan namin ng mga kaibigan ko ang whitewater rafting. Isa itong aktibidad kung saan sasakay kami sa isang bangka at tatahakin ang mabato at rumaragasang ilog habang nagsasagwan. Bagamat wala kaming masyadong karanasan, naging maayos at ligtas ang pagtahak namin sa ilog sa tulong ng aming guide o tagagabay. Sa pagkakataong iyon, natutunan namin ang kahalagahan ng pakikinig nang mabuti sa sinasabi niya.
Ang buhay ay parang pagtahak sa ilog. Minsan ay payapa lang pero biglang mahihirapan tayo sa pagsagwan dahil sa rumaragasa at mabatong tubig. Sa mga panahong iyon, alam nating kailangan natin ng isang mahusay na guide. Isang mapagkakatiwalaang tinig na gagabay sa atin sa mahihirap na sitwasyon ng ating buhay.
Sa Salmo 32 ng Lumang Tipan ng Biblia, mababasa natin na ang Dios ang tinig na gumagabay sa atin. Sinabi Niya, “Ituturo Ko sa iyo ang daan na dapat mong lakaran” (Tal. 8). Bahagi ng ating pakikinig sa Dios ay ang ipagtapat sa Kanya ang ating mga kasalanan (Tal. 5) at ang taimtim na pagdulog sa Kanya (Tal. 6). Kaaliwan para sa atin ang pangako ng Dios na “Papayuhan kita habang binabantayan” (Tal. 8).
Isang paalala na ang Kanyang paggabay sa atin ay punong-puno ng pagmamahal. Sa huli, mababasa natin na, “mamahalin ng Panginoon ang sa Kanya ay nagtitiwala” (Tal. 10). Tunay na kapag nagtiwala tayo sa Dios, maasahan natin ang Kanyang pangako na gagabayan Niya tayo sa pagtahak sa buhay na ito.