Isang bagong race car driver si Steve Krisiloff. Nahuhuli si Steve sa paligsahan ng Indianapolis 500. Dahil dito, walang kasiguraduhan kung makakapasok siya sa susunod na kompetisyon. Kalaunan, nalaman niyang ang oras na itinakbo niya roon ay pasok pa rin para makasali siya sa kompetisyon.
May mga pagkakataon sa ating buhay na tila nasa hulihan din tayo ng karera sa tuwing dumaranas tayo ng mga pagsubok. Hindi rin tayo sigurado kung kaya ba natin o kung mapagtatagumpayan ba natin ito. Sa tuwing nadarama natin ito, lagi nating alalahanin si Jesus. Bilang mga anak ng Dios, sigurado na ang kalagayan natin sa kaharian Niya (Juan 14:3). Nagmumula ang katiyakang ito dahil kay Cristo. Siya ang “batong panulok” kung saan tayo sumasandig at pinili Niya tayo na maging mga “batong buhay” na puspos ng Espiritu ng Dios. At dahil dito, maisasakatuparan natin ang layunin ng pagkakalikha Niya sa atin (1 Pedro 2:5-6).
Makatitiyak tayo na may maganda tayong hinaharap dahil kay Cristo tayo umaasa at sumusunod (Tal. 6). “Kayo’y mga taong pinili, mga maharlikang pari, at mga mamamayan ng Dios. Pinili kayo ng Dios na maging Kanya upang ipahayag ninyo ang kahanga-hanga Niyang mga gawa. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kahanga-hangang kaliwanagan” (Tal. 9).
Hindi tayo nahuhuli sa paningin ng Dios. Mahalaga at mahal Niya tayo (Tal. 4).