Hindi ko na maalala lahat ng itinuro sa akin ng tagapagturo ko sa pagmamaneho. Pero may limang salitang talagang tumatak sa isip ko: suriin, kilalanin, isipin, madesisyon, at isagawa. Dapat laging suriin nang mabuti ang daan, kilalanin ang mga panganib, isipin kung ano ang maaring idulot ng panganib, magdesisyon kung paano tutugon, at kung kinakailangan, isagawa ang nabuong plano. Isa itong paraan para makaiwas sa aksidente.
Iniisip ko kung paano naman natin magagamit ang mga ito sa ating buhay espirituwal. Sinabi ni Pablo sa mga nagtitiwala kay Jesus sa Efeso, “Kaya mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Huwag kayong mamuhay tulad ng mga mangmang kundi tulad ng marurunong na nakakaalam ng kalooban ng Dios” (5:15). Nalalaman ni Pablo na maraming mga pagsubok ang maaaring makapagpahina sa kanilang pananampalataya (Tal. 8, 10-11). Kaya pinaalalahan niya ang mga ito na mamuhay nang may pag-iingat at nang may kabanalan.
Nararapat na maging maingat tayo sa ating pamumuhay o paglakad bilang mga nagtitiwala kay Jesus. Huwag tayong magpakalulong sa mga masasamang bagay (Tal. 18). Sinabi pa ni Pablo na humingi tayo ng gabay sa Dios para malaman natin ang Kanyang kalooban sa buhay natin (Tal. 17) at umawit kasama ng ibang mananampalataya at magpasalamat sa Dios (Tal. 19-20).
Ano man ang mga haharapin natin, o madapa man tayo, mararanasan natin ang bagong buhay kay Cristo habang umaasa tayo sa Kanyang kapangyarihan at biyaya.