Alam niyo ba ang tawag sa grupo ng mga ibong pabo? Tinatawag silang rafter. Kakagaling ko lang kasi mula sa isang kabundukan, kaya sumulat ako ng tungkol sa mga pabo. Araw-araw kong nakikita ang parada noon ng mga pabo.
Pinagmamasdan ko ang mga pabo habang ikinakahig nila ang mga kuko at tumutuka sa lupa. Marahil ay kumakain sila, kaya naman nakakaakit makita ang maraming pabo na sabay-sabay na ginagawa ito.
Sa panunuod ko ng mga pabo ay naalala ko ang turo ng Panginoong Jesus. Sinabi ni Jesus, “Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid. Hindi sila nagtatanim, o nag-aani, o nag-iipon ng pagkain sa bodega, ngunit pinapakain sila ng inyong Amang nasa langit. Hindi ba’t mas mahalaga kayo kaysa sa mga ibon?” (Mateo 6:26). Ginamit ni Jesus sa Kanyang paglalarawan ang mga ibon upang ipaalala sa atin kung gaano Niya tayo inaalagaan.
Kung ang buhay ng ibon ay mahalaga para sa Kanya, lalo’t higit ang ating mga buhay. Inihambing ni Jesus ang ating pag-aalala sa pang-araw araw nating pangangailangan (Tal. 27-31) sa buhay kung saan ang kaharian Niya ang dapat nating inuuna (Tal. 33). Isang buhay na nakasalalay sa Kanya at nagtitiwala na ibibigay Niya lahat ng ating pangangailangan. Sapagkat kung kinakalinga ng Dios ang mga ibon tulad ng pabo, siguradong kinakalinga rin Niya tayo.