Nasira ang sasakyan ko at kailangan ko itong ipagawa. Nagdesisyon na lamang akong maglakad pauwi kaysa sa dalhin ito sa mekaniko. Habang naglalakad ako, napansin kong tila nagmamadali at kumikilos nang mabilis ang lahat ng tao.
Nang makauwi na ako ng bahay, napagtanto ko ang dalawang bagay. Una, sanay tayong kumilos nang mabilis. Pangalawa, nais din nating kumilos at gumalaw nang mabilis ang Dios. Nais nating umayon ang Dios sa ating mga plano.
Nang namumuhay pa sa mundo si Jesus, tila nalungkot ang mga kaibigan Niya sa hindi agad Niya pagkilos. Sa Juan 11, nagpadala ng mensahe kay Jesus ang magkapatid na sina Maria at Marta na may sakit ang kapatid nilang si Lazaro. Alam nilang matutulungan sila ni Jesus (Tal. 1-3). Pero dumating si Jesus makalipas ang apat na araw (Tal. 17). Pumanaw na noon si Lazaro. ‘Sinabi ni Marta kay Jesus, “Panginoon, kung nandito Kayo ay hindi sana namatay ang kapatid ko.” Hindi tumugon nang mabilis si Jesus. Kumilos Siya ayon sa itinakda Niyang panahon. Higit na mas maganda ang plano ng Dios: binuhay Niya muli si Lazaro (Tal. 38-44).
Nararanasan mo rin bang malungkot tulad ni Marta? Naranasan ko ito. Minsan nais kong sagutin agad ng Dios ang mga dalangin ko. Pakiramdam ko ay laging nahuhuli si Jesus. Pero iba ang plano at panahon ng Dios sa mga bagay. Tinutupad Niya ang mga pangako Niya ayon sa Kanyang itinakdang panahon. Higit na mas maganda ang mga ito kaysa sa mga plano at ninananis natin.