Isang makulay na uri ng halaman ang Russian sage kaya nakakahumaling itong tingnan. Pero pinutulan ng mga sanga ng aking biyenan ang ganitong halamang nasa kanilang hardin. Inisip ko kung gaganda pa rin ang pagtubo nito. Natuwa ako nang makita kong lalong gumanda ang halamang ito matapos putulan ng mga sanga.
Ginamit din naman ni Jesus ang tungkol sa pagputol ng mga sanga upang ipakita ang magandang resulta ng pagkilos ng Dios sa buhay ng isang mananampalataya. Sa Juan 15, sinabi ni Jesus, “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang Aking Ama ang tagapag-alaga. Pinuputol Niya ang Aking mga sangang hindi namumunga, at nililinis Niya ang bawat sangang namumunga para lalo pang mamunga” (Tal. 1-2).
Ipinapaalala sa atin ni Jesus na maganda man o hindi ang nangyayari sa ating buhay, patuloy na kumikilos ang Dios upang tayo ay magtiwala sa Kanya at tumatag ang ating pananampalataya (Tal. 5). Sa panahon na nakakaranas tayo ng mga mabibigat na problema sa buhay, iniisip natin kung muli tayong makakabangon. Pero hinihikayat tayo ni Jesus na magpatuloy tayo na manatili sa Kanya. Sinabi Niya, “Hindi makakapamunga ang isang sanga malibang nakakabit ito sa puno. Ganoon din naman, hindi kayo makakapamunga kung hindi kayo mananatili sa Akin” (Tal. 4).
Kung patuloy tayong mananatili kay Jesus, mapaparangalan natin ang Dios at mamumunga tayo nang sagana (Tal. 8). Maipapakita rin naman natin sa iba ang lubos na kabutihan ng Dios.