Noong American Civil War, kamatayan ang ipinapataw na parusa sa mga sundalong tumatakas sa gitna ng giyera. Pero hindi sila pinapatay ng ibang mga sundalo dahil pinapatawad sila ng punong kumander na si Pangulong Abraham Lincoln. Ikinagalit ito ni Edwin Stanton na kalihim noon na namamahala sa digmaan.
Para sa kanya, ang kabaitang ipinapakita ni Pangulong Lincoln ay lalong humihikayat sa ibang sundalo na tumakas sa gitna ng digmaan. Pero lubos kasing nauunawaan ni Pangulong Lincoln ang takot at hirap na dinaranas ng mga sundalo sa gitna ng labanan. Kaya naman, lalong hinangaan at minahal ng mga sundalo si Lincoln at mas nagkaroon sila ng pagnanais na maglingkod sa kanyang pamahalaan.
Tinawag naman ni Apostol Pablo si Timoteo na “makibahagi [siya] sa mga paghihirap bilang isang mabuting sundalo ni Cristo Jesus” (2 Timoteo 2:3). Ang pagiging sundalo ay nangangailangan ng dedikasyon, kasipagan at sakripisyo. Isa itong mahirap na trabaho lalo’t higit ang paglilingkuran ni Timoteo nang buong puso ay ang Panginoong Jesus. May mga pagkakataon din na nahihirapan tayong maglingkod sa Dios at hindi tayo nagiging matapat niyang mga sundalo.
Kaya naman, napakahalagang tandaan ang sinabi ni Pablo, “magpakatatag [tayo] sa tulong ni Cristo Jesus” (Tal. 1). Punung-puno ng biyaya si Jesus at nadarama Niya ang lahat ng ating kahinaan (Heb. 4:15). Pinatawad Niya rin tayo sa ating mga kasalanan at pinapatatag Niya tayo ng Kanyang kagandahang-loob . Patuloy natin Siyang paglingkuran dahil mahal na mahal Niya tayo.