Sa isang patalastas sa telebisyon, makikita na nagpapalipat-lipat ng channel ang isang lalaki. Kaya naman, nagtanong ang kasama niyang babae “Ano bang hinahanap mo?” Sagot naman ng lalaki, “Ang sarili ko na hindi na nagdedesisyon batay sa takot.” Nagulat ang babae sa sagot nito dahil ang tinatanong niya lang naman ay kung anong channel ang hinahanap niya. Minsan, katulad din tayo ng lalaking iyon na laging natatakot.
Naranasan din naman ng mga tagasunod ni Jesus ang matakot. Noong patungo sila sa Galilea “Hinampas ng malalaking alon ang bangka nila” (Marcos 4:35). Nakaramdam sila ng matinding takot kaya napatanong sila kay Jesus “Guro, bale wala ba sa Inyo kung mapahamak kami?” (Tal. 38 MBB).
Dahil sa takot na naramdaman ng mga tagasunod ni Jesus, hindi nila naisip kung ano ang nais na mangyari ni Jesus para sa kanila. Kaya naman, pagkatapos patigilin ni Jesus ang malakas na hangin at pakalmahin ang dagat, tinanong Niya ang mga tagasunod Niya “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananampalataya sa Akin?” (Tal. 40).
Maraming pagkakataon na matatakot tayo katulad ng naramdaman ng mga tagasunod ni Jesus nang hampasin ng malalakas na alon ang kanilang bangka. Kaya naman, sa tuwing natatakot tayo, alalahanin natin na magtiwala sa Panginoon at magtiwala na kaya Niya tayong iligtas. Siya ang Makapangyarihang Dios.