Minsan, may isang lalaking bumibili sa isang tindahan. Pagkatapos niyang iabot ang kanyang bayad na 20 na dolyar, binuksan ng tindero ang lalagyan ng mga pera. Agad na tinutukan ng baril ng lalaki ang tindero. Kaya naman, inabot agad ng tindero ang perang nasa lagayan. Kumaripas ng takbo ang lalaki nang makuha na ang pera. Hindi niya alam na ang halaga ng ninakaw niyang pera ay 15 na dolyar lamang.
Minsan din, katulad ng lalaking magnanakaw, nakakagawa rin tayo ng pagkakamali. Sa pamamagitan ng pagkakamaling iyon, matututo tayo at hindi na natin iyon gagawin dahil natuto na tayo. Kapag kasi hindi tayo nakakatanggap ng pagdidisiplina at hindi tayo natuto, magpapatuloy lamang tayo sa maling kaugalian natin. Kung magpapatuloy iyon, magiging hangal tayo na walang karunungan (Mangangaral 10:23).
Madalas, kaya ayaw natin aminin ang ating pagkakamali dahil masakit iyon para sa atin. Masakit naman talagang tanggapin na nagkamali ka, pero kailangan natin itong gawin. Kailangan natin na aminin na minsan, mali ang pagdedesisyon natin o kaya mali ang ginagawa natin para sa susunod, alam na natin ang tamang gagawin.
Lagi tayong nagkakamali. Kaya naman, kailangan din natin palagi ang pagdidisiplina ng Dios. Masakit ang pagdidisiplina ng Dios, pero may magandang bunga iyon pagdating ng panahon (Hebreo 12:11). Tanggapin nawa natin ang pagdidisiplina sa atin ng Dios at ipanalangin sa Kanya na baguhin tayo ayon sa kalooban Niya.