Dahil sa pagnanais na kalugdan siya ng isang pulitiko, iniutos ni Pangulong Abraham Lincoln ang paglipat ng grupo ng mga sundalo sa ibang istasyon noong panahon ng digmaang sibil sa Amerika. Pero hindi ito sinunod ni Edwin Stanton, ang kalihim ng hukbo.
Ayon kay Stanton, isang maling desisyon ang naisip ni Lincoln. Sinabi ni Lincoln, “Kung sa tingin ni Stanton na mali ang desisyon ko, naniniwala ako sa kanya dahil alam niya ang tama. Titingnan ko ang magiging resulta nito.” Nang magkausap sila, agad na napagtanto ni Lincoln na mali nga ang desisyon niya. Naging mapagkumbaba si Pangulong Lincoln. Nakinig siya sa tamang payo mula sa iba.
Nagkaroon na ba ng pagkakataon sa buhay mo na may taong ayaw makinig sa tamang ipinapayo mo? (Tingnan 1 Hari 12:1-11). Hindi ba nakakainis ito? O di kaya, ikaw naman mismo ang ayaw makinig sa tamang payo ng iba? Ayon sa Kawikaan 12:15, “Ang akala ng hangal ay palagi siyang tama, ngunit ang taong marunong ay nakikinig sa payo.”
Hindi laging tama ang ipinapayo ng ibang tao sa atin. At hindi rin laging tama ang ipinapayo natin sa kanila. Lahat tayo ay nagkakamali, hangal ang magsasabi na hindi siya nagkakamali. Para maiwasan ang laging magkamali, nararapat na marunong tayong makinig sa mabuting payo ng mga taong nagtitiwala sa Dios. Kahit sa simula’y maaaring salungat tayo rito. Marahil ito ang nais ng Panginoon para sa ikabubuti natin (Tal. 2).