Napansin ng dating presidente ng Amerika na si Franklin D. Roosevelt na laging maraming tao sa White House. Pero sa kabila nito, hindi naman nakikinig sa sinasabi ng bawat isa ang mga nandoon.
Kaya, sinubukan niyang batiin ang mga taong nakapila at kinamayan sila habang sinasabi na, “Pinatay ko ang aking lola kaninang umaga.” Nagulat siya dahil ang tugon ng bawat tao ay, “Mahusay po! Pagpalain nawa kayo ng Panginoon.” Ang nakarinig lamang nang tama sa sinabi niya ay ang ambassador mula sa Bolivia na nasa hulihan ng pila.
Sumagi na ba sa isip mo kung nakikinig nga ba talaga sa iyo ang isang tao? Sa tingin mo rin ba ay nakikinig sa iyo ang Dios? Masasabi natin na nakikinig sa atin ang isang tao batay sa kanilang isasagot sa atin o sa pagtingin natin sa kanilang mga mata. Pero paano natin malalaman kung nakikinig sa atin ang Dios? Nararamdaman ba natin ito o makikita sa tuwing sinasagot ng Dios ang ating mga panalangin?
Mababasa naman natin sa Biblia kung paano nakinig ang Dios sa mga idinalangin ng mga Israelita. Matapos ang pitumpung taon na pagkabihag nila sa Babilonia, nangako ang Dios na muli silang ibabalik sa Jerusalem at magkakaroon sila nang maayos na kinabukasan (Jeremias 29:10-11). Pinakinggan ng Dios ang mga Israelita nang sila ay nanalangin sa Kanya (Tal. 12). Alam nila na dininig ng Dios ang kanilang dalangin dahil nangako Siya na sila’y pakikinggan. Pinakikingan din naman ng Dios ang ating mga dalangin (1 Juan 5:14). Nangako ang Dios na pakikinggan Niya tayo at palagi Siyang tapat sa Kanyang pangako (2 Corinto 1:20).