Minsan, nakahiga kami ng aking anak habang pinagmamasdan ang malalakas na kidlat sa langit. Paulit-ulit niyang sinasabi, “Grabe, napakagaling po talaga ng Dios.” Ganoon din ang aking naramdaman. Naalala ko tuloy ang sinasabi sa aklat ni Job, “Alam mo ba ang daan patungo sa lugar na pinanggagalingan ng kidlat, o sa lugar na pinanggagalingan ng hanging silangan?” (Job 38:24)

Noon, kinailangan ni Job ng isang paalala ng kapangyarihan ng Dios (Tal. 34-41). Napakalungkot niya kasi sa panahong iyon. Namatayan siya ng anak. Naubos ang kanyang yaman. Nagkasakit siya. Wala na siyang kaibigan. Mismong asawa na niya ang nagsabing huwag na siyang manampalataya (2:9). Dahil dito, tinanong ni Job ang Dios, “Bakit?” (Kab. 24) at sumagot ang Dios sa pamamagitan ng isang bagyo (Kab. 38).

Pinaalala ng Dios kay Job na kontrolado Niya ang lahat ng bagay (Kab. 38). Parang nabunutan ng tinik si Job at sinabing, “Noon ay naririnig ko lang po sa iba ang tungkol sa Inyo, pero ngayon ay nakita ko na Kayo” (42:5). Ibig niyang sabihin, “Naiintindihan ko na, Panginoon! Hindi dapat kita limitahan sa sarili kong pananaw at pag-intindi.”

Sa mga pagsubok sa buhay, minsan mas mainam pang humiga tayo at pagmasdan ang mga kidlat sa kalangitan. Upang maalala natin na sapat ang pagmamahal at kapangyarihan ng Dios para iligtas tayo at hindi Niya tayo pababayaan. Habang pinagmamasdan ang mga ito, maari din tayong kumanta ng paborito nating kanta tungkol sa kapangyarihan at kadakilaan ng ating Dios!