Noong 2019, sinalanta ang ng Bagyong Dorian ang bansang Bahamas. Nagdulot ang bagyong iyon ng matinding pag-ulan, malakas na hangin, at pagbaha. Sobrang napinsala ang buong lugar kasama ang mga mamamayan nito at isa doon si Brent.
Bulag man si Brent, alam nitong kailangan pa rin nilang lumikas ng kanyang anak na may cerebral palsy upang maging ligtas. Maingat niyang inilagay sa kanyang balikat ang anak at naglakas-loob na suungin ang bahang abot hanggang kanyang baba.
Kung handang iligtas ni Brent ang kanyang anak, lalo na ang Dios sa Kanyang mga anak. Sa Lumang Tipan, matatandaang inalala rin ni Moises ang pag-aalagang ginawa ng Dios sa mga taong tumalikod sa Kanya. Pinaalala niya sa mga Israelita kung paano silang iniligtas. Binigyan sila ng pagkain at tubig sa disyerto, ipinagtanggol sa mga kaaway, ginabayan at iningatan gamit ang haligi ng mga ulap at apoy. Sinabi ni Moises, “Nakita ninyo kung paano kayo ginagabayan ng Panginoon na inyong Dios, katulad ng ama na nag-aalaga sa kanyang anak, hanggang sa makarating kayo sa lugar na ito” (Deuteronomio 1:31).
Hindi naging madali ang paglalakbay ng mga Israelita. Ilang beses na humina ang kanilang pananampalataya. Ngunit ang lahat ng ito ay patotoo ng proteksyon at biyaya ng Dios. Ang pagmamahal ng Dios sa Israel ay tulad ng isang amang nag-aalaga sa kanyang anak. Maingat, matapang, at may kumpyansa. Sa gitna ng mga pagsubok sa ating pananampalataya, alalahanin nating may Ama tayo sa langit na nag-aalaga sa atin.