Si Telemachus ay isang mongheng nagkaroon ng payak na pamumuhay. Taliwas ito sa kanyang naging pagkamatay na nag-iwan ng malaking pagbabago. Sa pagbisita niya sa Roma, tinutulan ni Telemachus ang madugong laro sa arena ng mga gladiator. Tumalon siya sa loob ng istadyum at sinubukang pigilan ang mga manlalaban sa pagpapatayan. Ngunit nagalit ang mga manonood at binato siya ng bato hanggang mamatay. Naantig naman ang puso ng Emperador na si Honorius at ipinatigil ang 500 taong tradisyon ng pagpapatayan.
Nang tawagin ni Pablo na “kapayapaan natin” si Jesus, ang ibig niyang sabihin noon ay ang pagkakaisa ng mga Judio at Hentil (mga hindi Judio) (Efeso 2:14).
Halimbawa, hindi malayang nakasasamba ang mga Hentil noon sa Jerusalem. Dahil ito sa pader na nakaharang na tanging mga Judio lang ang maaaring makadaan. Ngunit dahil sa kamatayan ni Cristo na nagligtas sa sangnilikha, malaya nang makasasamba sa Panginoon ang mga Judio at mga Hentil (Tal. 18-22). Wala na ang pader. Wala nang pagtatangi. Pantay-pantay tayo sa paningin ng Dios.
Malaki ang idinulot na pagbabago ng pagkamatay ni Telemachus. Katulad nito ay ang pagbabagong dulot ng pagkamatay at pagkabuhay ni Jesus. Nagkaroon ng kapayapaan at pagkakasundo ang lahat ng naniniwala sa Kanya. Kaya nga, kung si Jesus ang ating kapayapaan, huwag nating payagan na ang ating pagkakaiba-iba ang maging mitsa ng ating pagkakahiwa-hiwalay. Pinagkaisa Niya na tayo sa pamamagitan ng Kanyang dugo.