Noong nag-aaral ako, inutusan kami ng aming guro na gumawa ng talaan ng mga mahahalagang pangyayari sa aming pamilya. Nakapaloob doon ang paraan ng pamumuhay namin at kung paano kami dinidisiplina ng aming magulang. Iba’t iba naman ang paraan ng pagdidisiplina ng mga magulang. May pagdidisiplina na nag-iiwan ng takot at pangamba. Dahil sa mga karanasan natin sa mga ganitong pagdidisiplina. Maaaring maging iba ang pananaw natin kung paano tayo dinidisiplina at itinatama ng Panginoon.
Sa Biblia naman, itinuro ng isang marunong na guro na nararapat tanggapin ang pagtatama mula sa Dios (Kawikaan 3:11-12). Nais ng Dios na maitama ang mga ginagawa natin at maiayon ang mga ito sa kalooban Niya. Minsan naman hindi natin nagugustuhan ang pagtatamang ginagawa ng Dios at nasasaktan tayo sa pagtutuwid Niya. Ngunit pagpapakita lang ng pagmamahal ng Dios ang Kanyang pagtutuwid at pagtatama sa atin.
Nararapat na tingnan natin ang mabuting kahihinatnan ng mga pagtutuwid. Ayon sa Kawikaan 3:11, “Huwag mong masamain kapag itinatama ka ng Panginoon.” Madalas natatakot tayo kapag itinatama at dinidisiplina tayo ng Dios dahil mahal Niya tayo. Ayaw lamang Niya tayong manatili sa kasalanan.
Sa halip na matakot sa tuwing itinatama ng Dios, nararapat na buksan natin ang mga puso natin sa paggabay Niya. Itinatama tayo ng Dios dahil alam Niya ang lahat ng bagay na makakabuti para sa atin. Minamahal Niya tayo at ninanais Niya ang kabutihan at kaligayahan natin.