Inalala ni Peter Croft sa kanyang sulat ang mga ginawa ng kanyang lolo. Sinabi ni Peter, “Dalangin ko sa sinumang nagbabasa ng Biblia na isabuhay ang mga prinsipyo at katotohanan na kanilang napagbulayan. Anumang salin ng Biblia ang gamit ninyo, hindi lamang sana ito unawain. Sa halip, isabuhay din ang bawat karanasan na parang nasa noong unang panahon kayo.”
Si J.B Phillips ang lolo ni Peter na nagtuturo ng Biblia noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at isinasalin ang Biblia sa wikang Englis para matuto ang kanyang mga mag-aaral.
Tulad ng mga mag-aaral na ito, marami ang nagiging balakid sa ating pagbabasa at pagsasabuhay ng Kasulatan. Nariyan ang kulang tayo sa panahon at oras, sa disiplina o bagay na tutulong sa atin upang maunawaan ito. Ngunit sinabi sa Salmo 1, “Mapalad ang taong...nagagalak sumunod sa mga aral na mula sa Panginoon” (Tal. 1-2). Sa ating pagbubulay ng Biblia, tayo “sasagana” sa lahat ng panahon, kahit ano pang ating pinagdadaanan.
Paano mo binabasa ang iyong Biblia? Mahalaga pa rin ba ito sa iyong pang araw-araw na buhay? Mahirap pa rin ang magtiwala at sumunod kay Jesus. Ngunit nakakapanabik pa ring basahin ang Biblia, dahil mas nakikilala mo ang Dios at ang mga tauhan na kabilang dito. Para itong daluyan ng tubig (Tal. 3) na nagbibigay sa ating pangangailangan araw-araw. Kaya ngayong araw, maglaan ka ng oras para makapagbasa ng Salita Niya, ipunin mo din ang mga kakailanganin mo at humingi ka ng tulong sa Dios. Sa gayon, maisabuhay mo ang Kanyang Salita.