Isang pastor ang tatay ni Pris, naikuwento niya ang pagpunta nila sa Indonesia para mamuno ang kanyang tatay na ipahayag ang salita ng Dios. Nanirahan sila sa isang bahay na dati ay pinaglalagakan ng mga hayop. Naalala ni Pris na minsan, ipinagdiriwang nila ang pasko habang may tumutulong tubig na galing sa ulan sa kanilang bubong. Ipinaalala ng tatay ni Pris sa kanya na “Hindi dahil nahihirapan tayo ay hindi na tayo mahal ng Dios”.
Minsan kasi, sinusukat natin ang pagmamahal ng Dios sa mga masasayang pangyayari at masaganang pamumuhay kaya naman, kapag kabaligtaran ang nangyayari, pinagdududahan natin ang Dios. Ngunit ipinapaalala sa atin ni Apostol Pablo na “Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo, kahit dumanas pa tayo ng mga pagsubok, paghihirap, pag-uusig, gutom, kawalan, panganib, o maging kamatayan (Roma 8:35).
Ang totoong pagmamahal ay makikita natin nang ipinahintulot ng Dios na mamatay ang Kanyang sariling anak na si Jesus para sa ating mga kasalanan (Tal. 32). Ngunit nabuhay muli si Jesus na ngayon ay kasama na ng Dios (Tal. 34).
Kaya naman, kung nakakaranas tayo ng paghihirap, alalahanin natin na hindi tayo pababayaan ng Dios. Alalahanin natin na mahal tayo ng Dios at hindi Niya hahayaang mapasama tayo. Walang makapaghihiwalay sa atin sa pagmamahal ng Dios kahit pa “... kamatayan o buhay... o kahit ano pang mga bagay sa buong mundo” (Tal. 38-39).