Noong 2006, nagkasakit ang aking tatay at natuklasan ng mga doktor neurological disease iyon. Naapektuhan ang kanyang pananalita, pag-iisip at pagkilos ng katawan kaya lagi siyang nakahiga at kailangan ng matinding pag-aalaga. Natakot ako na mawala siya, tuliro rin ako kung paano ko siya aalagaan. Sumabay na rin ang mga malalaking gastusin sa mga gamot na kailangan. Dahil dito, nalugmok ako.
Sa kabila ng lahat ng aking nararanasan, nagsisilbing paalala sa akin ang aklat ng Panaghoy sa Biblia, sa kabanata 3 talata 22 “ang pag-ibig at awa ng Panginoon ay walang katapusan. Iyan ang dahilan kung bakit hindi tayo lubusang nalipol.” Kahit na sobrang hirap ng aming kalagayan, pinipili kong magpatuloy dahil alam ko na hindi tayo pababayaan ng Dios. Minamahal Niya kasi tayo. Ang katotohanan na mahal ako ng Dios ang dahilan upang magpatuloy ako sa buhay kahit nahihirapan, kahit nasasaktan.
Mapapatunayan ko na tapat ang Dios dahil hindi Niya kami pinabayaan. Noong mga oras na nangangailangan kami, ipinakita ng Dios ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng aming kamag-anak, mga kaibigan at mabubuting doktor.
Kaya naman, kung darating ang panahon na mahihirapan tayo at sa tingin natin, wala na tayong pag-asa, magtiwala tayo sa Panginoong Dios. Magtiwala tayo na hindi Niya tayo iiwan o pababayaan kahit pa nahihirapan tayo sa ating kalagayan.