Makaagaw pansin ang nakasulat sa isang billboard. Sinabi roon, ‘Tumakas’. May mababasa ring ilang benepisyo ng pagkakaroon ng hot tub o paliguan na mayroong mainit na tubig. Naisip ko na magandang magkaroon kami nito sa loob ng bahay. At parang nasa bakasyon ka kapag meron ka nito. Kaya naman, bigla akong nagkaroon ng pagnanais na makatakas sa mga ginagawa ko.
Lubhang nakakaakit ang salitang ‘makatakas’ dahil nagbibigay ito ng pakiramdam ng kaginhawaan, kapahingahan, seguridad at kalayaan. Ito rin ang laging iniaalok sa atin ng mundo. Wala namang masama na magpahinga at tumakas para pumunta sa isang magandang lugar. Pero, malaki ang pagkakaiba ng pagtakas sa mga pagsubok sa buhay at sa pagtitiwala sa Dios sa panahon na humaharap tayo sa mga pagsubok.
Sa Bagong Tipan naman ng Biblia, sinabi ng Panginoong Jesus na haharap sa mga pagsubok ang mga nagtitiwala sa Kanya upang masubok ang kanilang pananampalataya (Juan 16). Sinabi ni Jesus, “Daranas kayo ng paghihirap dito sa mundo pero magpakatatag kayo dahil nagtagumpay na Ako laban sa kapangyarihan ng mundo” (Tal. 33). Napakagandang pangako ito ng Panginoon. Ayaw kasi Niyang mamuhay sa kawalan ng pag-asa ang Kanyang mga alagad. Sa halip, hinikayat sila na magtiwala sa Kanya dahil Siya ang magbibigay sa kanila ng tunay na kapahingahan. Sinabi ni Jesus, “Sinabi Ko sa inyo ang mga bagay na ito para magkaroon kayo ng kapayapaan sa Akin” (Tal. 33).
Hindi ipinangako ni Jesus na hindi na tayo makakaranas ng anumang paghihirap dito sa mundo. Sa halip, ipinangako Niya na kung magtitiwala tayo sa Kanya, magkakaroon tayo ng kapayapaan sa panahon na humaharap tayo sa matitinding pagsubok sa buhay. Kaya naman, sa halip na tumakas tayo, lubos tayong umasa sa Dios.