Minsan, kinailangang dalhin ni Whitney sa ospital. Buntis siya at may nakitang problema sa kanyang atay. Dahil dito, kailangan niyang manganak ng mas maaga sa itinakdang oras. Pero, sa kakulangan ng magagamit sa ospital ng mga panahong iyon dahil sa Covid-19 at sa peligrong hatid nito, pinauwi siya ng bahay. Ipinagkatiwala ni Whitney sa Dios ang lahat at umasa siya sa plano ng Dios para sa kanilang mag-ina. Makalipas ang ilang araw, nanganak siya ng isang malusog na sanggol.
Kung ang pundasyon ng ating pananampalataya ay nagmumula sa Salita ng Dios, magagawa natin magdesisyon ayon sa nais ng Dios sa anumang sitwasyon. Ito rin mismo ang ginawa ni Propeta Jeremias. Noong panahon kasi ni Jeremias, maraming tao ang nagtitiwala sa kakayahan nila at sumasamba sa mga dios-diosan. Kaya naman, inihambing ni Jeremias, “ang taong lumalayo sa [Dios] at nagtitiwala lamang sa tao”(Jeremias 17:5) at ang mga taong sa Dios lamang umaasa.
Sinabi ni Jeremias, “Mapalad ang taong nagtitiwala at lubos na umaasa lamang sa Akin. Matutulad siya sa punongkahoy na itinanim sa tabi ng ilog...dumating man ang tag-init o mahabang tag-araw. Palaging sariwa ang mga dahon nito at walang tigil ang pamumunga” (Tal. 7-8).
Kaya naman, ang mga nagtitiwala kay Jesus ay lagi nawang mamuhay nang may pananampalataya. Magdesisyon tayo ayon sa kalooban ng Dios. Bibigyan din tayo ng Dios ng kakayahan na laging magtiwala sa Kanya at hindi ang matakot. Umasa tayo sa Dios anuman ang ating kinahaharap na sitwasyon.