Iyon ang araw na tinatawag na natin ngayong Linggo ng Palaspas. Hindi ito ang unang pagbisita ni Jesus sa Jerusalem. Bilang isang debotong Judio, malamang pumupunta Siya roon kada taon para sa tatlong malaking pista (Lucas 2:41; Juan 2:13; 5:1). Sa nakalipas na tatlong taon, nagministeryo at nagturo si Cristo sa Jerusalem. Pero nang Linggong iyon, kakaiba ang pagpasok Niya sa lungsod.
Sa pagsakay niya sa isang asno papasok sa Jerusalem sa panahon kung kailan napakaraming deboto papasok sa lungsod, si Jesus ang naging sentro ng atensyon (Mateo 21:9-11). Bakit pinili Niyang maging tanyag sa harap ng libu-libong tao samantalang sinadya Niyang iwasan iyon sa nakalipas na tatlong taon? Bakit Niya tinanggap ang proklamasyon ng mga tao na Siya ang Hari, limang araw lang bago Siya patayin?
Sinabi ni Mateo na nangyari ito para matupad ang sinabi ng isang 500-taong propesiya (Mateo 21:4-5) na ang haring pinili ng Dios ay darating sa Jerusalem na “matuwid at mapag- tagumpay. Mapagpakumbaba . . . at nakasakay sa bisirong asno” (Zacarias 9:9; Tingnan din ang Genesis 49:10-11).
Talagang kakaibang paraan ito para ang isang matagumpay na hari ay dumating sa isang lungsod. Madalas na nakasakay sa malalakas na kabayo ang mga mananakop na hari. Pero hindi dumating si Jesus na sakay ng kabayong panggiyera. Ipinapakita nito kung anong klaseng hari Siya. Dumating Siya nang may kababaang-loob. Dumating Siya hindi para sa giyera, kundi para sa kapayapaan; itinatag Niya ang kapayapaan sa pagitan natin at ng Dios (Gawa 10:36; Colosas 1:20).