Kapag papalapit na ako sa huling bahagi ng apatnapung minutong ehersisyo, inaasahan ko nang sisigaw ang tagapagsanay, “magtapos nang malakas.” Ginagawa iyan ng lahat ng kilala kong gumagabay sa pag-eehersisyo ilang minuto bago cool down (ang pagkakalma sa katawan bago magtapos). Alam nilang mahalaga ang pagtatapos ng ehersisyo. Alam din nilang gusto ng pahinga ng katawan matapos kumilos nang matagal.
Ganyan din sa paglalakbay kasama si Jesus. Sabi ni Apostol Pablo sa mga nakatatandang pinuno ng mga na kay Cristo sa Efeso na kailangan niyang magtapos nang malakas kaya pupunta siya sa Jerusalem kahit siguradong mas malala ang pag-uusig sa kanya doon bilang apostol ni Cristo (Gawa 20:17-24).
Misyon niyang tapusin ang sinimulang paglalakbay at gawin ang pinapagawa sa kanya ng Dios: ang ipahayag ang magandang balita tungkol sa kagandahang-loob ng Dios para sa mga tao (Tal. 24). Nais niyang magtapos nang malakas. Nagpatuloy siya kahit maraming pasakit ang naghihintay sa kanya (Tal. 23), determinado siyang manatiling matatag sa kanyang paglalakbay.
Sinasanay man natin gamit ang kilos, salita, at gawa ang kalamnan ng katawan o mga kakayahang bigay ng Dios, puwede rin tayong mapasigla ng paalalang magtapos nang malakas. Huwag kang sumuko. Ibibigay ng Dios ang kailangan mo para magtapos ka nang matatag.