Single mom ang kaibigan kong si Alma. Noong iwan siya ng asawa niya, mag-isang dinala niya ang responsibilidad ng pagpapalaki sa kanyang mga anak. “Mahirap,” sabi niya, “pero alam kong nakikita ako ng Dios, kami ng pamilya ko. Binibigyan Niya ako ng lakas para gumawa ng dalawang trabaho, magtustos sa mga pangangailangan namin, at hayaang maranasan ng mga anak ko ang paggabay Niya sa bawat araw.”
Naintindihan ni Hagar, ang aliping taga-Ehipto, kung ano ang ibig sabihin ng ‘makita ng Dios.’ Matapos siyang magdalang-tao kay Abram, nagsimula siyang magalit kay Sarai (Genesis 16:4). Bilang ganti ay trinato siya nito nang hindi maganda, kaya tumakas si Hagar papunta sa disyerto. Nag-iisa si Hagar doon, nakaharap sa kinabukasang tila napakadilim at walang pag-asa para sa kanya at sa batang nasa sinapupunan niya.
Pero doon sa disyerto niya nakilala ang isang “anghel ng Panginoon” (Tal. 7) na nagsabing, “pinakinggan ng Panginoon ang pagtawag mo sa Kanya” (Tal. 11). Ang anghel ng Dios ang gumabay kay Hagar kung ano ang gagawin, at siniguro Niya kung ano ang nakalaan sa kinabukasan. Mula kay Hagar, nalaman natin ang isa sa mga pangalan ng Dios—El Roi, “Dios na nakakakita” (Tal. 13).
Gaya ni Hagar, maaaring mahirap ang lakbayin, naroon ang pakiramdam ng pagkaligaw at pag-iisa. Pero alalahanin mo na kahit sa ilang, nakikita ka ng Dios. Tumawag ka sa Kanya at magtiwala kang gagabayan ka Niya.