Noong June 11, 2002, nagsimula ang kompetisyon na American Idol. Bawat linggo, umaawit ang mga kalahok ng sarili nilang bersyon ng mga sikat na kanta, at boboto ang mga manonood kung sino ang tutuloy sa susunod na round ng kompetisyon.
Bilang isa sa mga hurado sa palabas, tatak na sagot ni Randy Jackson na ‘inangkin ng kalahok ang kanta’ kung pinag-aralan nito iyon nang maige, at binigyan ng personal na istilo at paraan ng pagkaawit. Ibig sabihin, malikhaing inangkin na nito nang buo ang kanta, at saka inihandog sa mundo habang naroon sa entablado.
Iniimbitahan tayo ni Apostol Pablo na gumawa rin ng ganoon sa sarili nating pananampalataya at sa pagpapahayag niyon. Sa Filipos 3, tinanggihan niya ang mga pagtatangkang makuha ang tamang katayuan sa Dios (Tal. 7-8). Sa halip, tinuturuan niya tayo na yakapin ang “pagiging matuwid” na mula sa Dios dahil sa panananampalataya (Tal. 9). Ang regalo ng kapatawaran at katubusan ang siyang nagbabago ng ating motibasyon at layunin: “Patuloy akong nagsusumikap para makamtan iyon, dahil iyon ang layunin ni Cristo Jesus nang tawagin Niya ako” (Tal. 12).
Siniguro na ni Jesus ang ating tagumpay. Ang trabaho na lang natin? Panghawakan ang katotohanang iyan, isaloob ang regalo ng Magandang Balita ng Dios, at ipamuhay ito sa gitna ng bigong mundo. Sa ibang salita, dapat angkinin natin ang ating pananampalataya at patuloy nating sundin “ang mga katotohanang natutunan na natin” (Tal. 16).