“Pareho naming hindi ginusto iyon, pero pakiramdam ko kinailangang mapag-usapan ang ugali at gawi niya para hindi niya masaktan ang mga taong nasa paligid niya.” Ang tinutukoy ni Shellie ay isa sa mga kabataang mine-mentor niya. Kahit hindi komportable, mabunga ang naging usapan nila at napalakas niyon ang relasyon nila. Pagkatapos ng ilang linggo, nanguna ang dalawang babae sa isang panalangin sa kapulungan ng mga sumasampalataya kay Jesus na ang tema ay pagiging mapagpakumbaba.
Kahit sa ibang sitwasyon, minsan talaga ay haharap tayo sa isang mahirap na pakikipag-usap sa isang kapatid kay Kristo. Sa Aklat ng Kawikaan sa Biblia, ipinaulit-ulit ang kahalagahan ng pagiging mapagpakumbaba sa pagbibigay at pagtanggap ng kritisismo. Tinawag pa ngang ‘marurunong’ ang mga tumatanggap nito (Kawikaan 15:31).
Sinabi sa Kawikaan 15:5 na hindi pinapansin ng hangal ang pagtutuwid, pero ang taong marunong ay sumusunod. Sa huli, “Ang taong umaayaw sa mga pagtutuwid ay mamamatay” (Tal.10). Sa nasaksihan ni Shellie, ang katotohanang sinabi nang may pag-ibig ay magdadala ng bagong buhay sa isang relasyon.
Mayroon bang tao sa buhay mo na nangangailangan ng mapagmahal at nagbibigay-buhay na pagtutuwid? Nakatanggap ka ba ng pagtutuwid at nakaramdam ka ng galit o pagtatampo? Mapapasama tayo kapag binalewala natin ang pagtutuwid sa atin, pero kung makikinig tayo, lalago tayo (Tal. 32). Hingin natin sa Dios na tulungan tayong magbigay at tumanggap ng pagtutuwid nang may kababaang-loob.