Isipin mo ang isang malaking puno na kasya sa ibabaw ng mesa sa kusina. Ganyan ang itsura ng bonsai—isang pangdekorasyong puno. Para itong maliit na bersyon ng punong nakikita sa kakahuyan. Walang kaibahan ang genetics ng bonsai sa malalaking puno, mababaw nga lang paso nito at madalas itong putulan ng sanga at ugat para manatiling maliit.
Magandang pangdekorasyon ang bonsai, pero inilalarawan din nito ang kapangyarihan ng pagkontrol. Totoong namamanipula natin ang paglaki ng mga puno, pero ang Dios ang Siyang nagpapalago sa mga bagay.
Sinabi naman ng Dios sa propetang si Ezekiel na “Maibababa Ko ang mataas na kahoy at maitataas Ko ang mababa . . . Akong si Yahweh ang nagsasabi nito (Ezekiel 17:24, MBB). Ipinapakita dito ng Dios ang mangyayari sa hinaharap kung kailan “bubunutin” niya ang bayan ng Israel at hahayaang masakop sila ng Babilonia. Pero sa huli, magtatanim ang Dios ng bagong puno na mamumunga, at “lahat ng uri ng ibon” ay mamumugad sa mga sanga niyon (Tal. 23). Sinabi ng Dios na gaano naman kagulo ang mga susunod na mangyayari, Siya pa rin ang may kontrol sa lahat.
Tinuturuan tayo ng mundo na kontrolin ang sitwasyon sa pamamagitan ng pagmamanipula at sariling pagsisikap. Pero ang tunay na kapayapaan at pag-unlad ay nasa pagsuko ng kontrol sa Nag-iisang may kakayahang magpalaki sa mga puno.