Lunes ng umaga, pero wala sa opisina ang kaibigan kong si Chia-ming. Nasa bahay siya, naglilinis ng banyo. Isang buwan na siyang walang trabaho. Nagsara ang pinapasukan niya dahil sa COVID-19 pandemic at nag-aalala siya para sa kinabukasan. Kailangan kong suportahan ang pamilya ko, naisip niya. Saan ako hihingi ng tulong?
Sa Salmo 121:1, ang manlalakbay sa Jerusalem ay nagtanong din kung saan makakahanap ng tulong. Mahaba at delikado ang paglalakbay papuntang Banal na Lungsod sa Bundok ng Zion, at kailangang tiisin ang nakakapagod na pag-akyat. Ang mga hamon nila ay kagaya rin ng mahirap na lakbayin na kinakaharap natin sa ngayon—lalakarin natin ang daan ng karamdaman, problema sa relasyon, pangungulila, stress sa trabaho, o sa kaso ni Chia-ming, hirap sa pinansyal at kawalan ng trabaho.
Pero puwede tayong magpakatatag sa katotohanan na ang mismong Gumawa ng langit at lupa ang tutulong sa atin (Tal. 2). Pinapatnubayan Niya tayo (Tal. 3, 5, 7-8) at alam Niya kung ano ang kailangan natin. Shamar ang salitang Hebreo para sa “patnubayan,” ibig sabihin nito, “binabantayan.” Ang Gumawa ng sandaigdig ang ating bantay. Iniingatan Niya tayo. “Iningatan kami ng Dios, ako at ang pamilya ko,” kuwento ni Chia-ming nitong nakaraan. “At sa tamang oras, binigyan Niya ako ng trabaho.”
Habang nagtitiwala at sumusunod tayo sa Dios, puwede tayong umasa, kasi alam nating nasasakop tayo ng Kanyang karunungan at pag-ibig.