Sa isang patalastas, makikita na may isang maliit na gusaling nakatayo sa gitna ng madilim na gabi. Ang tanging ilaw sa esksena ay mula sa maliit na lampara malapit sa pinto sa beranda ng gusali. Sapat ang liwanag para makapaglakad sa hagdan ang sinuman at makapasok sa gusali. Nagtapos ang patalastas sa mga salitang, “Iiwan naming bukas ang ilaw para sa iyo.”
Ang ilaw sa beranda ay isang tanda ng pagsalubong, pinapaalala sa mga pagod na manlalakbay na may komportableng lugar na bukas pa, kung saan sila puwedeng magpahinga. Iniimbitahan ng ilaw ang mga dumaraan na pumasok at takasan ang madilim at nakakapagod na paglalakbay.
Sinabi ni Jesus na ang buhay ng mga naniniwala sa Kanya ay dapat parang sa isang ilaw na sumasalubong. Sinabi Niya sa mga taga-sunod Niya, “Kayo ang ... ilaw sa mundo ...tulad ng lungsod na itinayo sa ibabaw ng isang burol na hindi maitago” (Mateo 5:14). Bilang mananampalataya, dapat nililiwanagan natin ang madilim na mundo.
Hinikayat pa Niya tayo, “Upang makita nila ang mabubuting gawa ninyo at pupurihin nila ang inyong Amang nasa langit” (Tal. 16). At habang iniiwan nating bukas ang ating ilaw, mararamdaman nilang puwede silang sumama sa atin para makilala pa ang nag-iisang tunay na Ilaw ng Mundo—si Jesus (Juan 8:12). Sa pagod at madilim na mundo, parating nakasindi ang ilaw Niya. Nakabukas ba ang ilaw mo? Habang nililiwanagan ka ni Jesus ngayon, makikita iyon ng iba at magsisimula silang magliwanag din ng ilaw Niya.