Noong bata ako, may panahon na ayokong pumasok sa eskuwela. May mga nangbu-bully kasi sa akin at ginagawan ako ng kung anu-anong prank. Kaya kapag recess, pumupunta ako sa library, kung saan ako nagbabasa ng mga Christian na libro. Naalala ko iyong unang beses na nabasa ko ang pangalang “Jesus.” Sa kung anong dahilan, alam kong iyon ay pangalan ng nagmamahal sa akin. Sa mga sumunod na buwan, kapag papasok ako sa eskuwela at natatakot ako sa paparating na pahirap, magdadasal ako, “Jesus, ingatan Mo po ako.” Lalakas ako at kakalma dahil alam kong binabantayan Niya ako. Hindi nagtagal, napagod na lang ang mga batang iyon sa pambu-bully sa akin at huminto na sila .
Maraming taon na ang nakalipas, pero patuloy akong pinapa-lakas ng pangalan Niya sa gitna ng mahihirap na sitwasyon. Ang pagtitiwala sa pangalan Niya ay paniniwala na totoo ang mga sinabi Niya, at nahahanap ko ang pahinga sa Kanya.
Si David man, alam niya ang epekto ng pagtitiwala sa pangalan ng Dios. Noong sinulat niya ang Salmo 9, naranasan niya ang Dios bilang makapangyarihang hari na patas at tapat (Tal. 7-8, 10, 16). Kaya ipinakita ni David ang pagtitiwala niya sa pangalan ng Dios kapag nakikipaglaban siya sa mga kaaway niya. Nagtiwala siya hindi sa armas o galing niya, kundi sa pagsagip sa kanya ng Dios na “kanlungan ng mga inaapi” (Tal. 9).
Bilang isang batang babae, tinawag ko ang pangalan Niya at pinatunayan Niya ang kapangyarihan niyon. Palagi nating pagtiwalaan ang pangalan Niya—Jesus—ang pangalan ng Nag- iisang nagmamahal sa atin.