Bilang kabataan, nagmamaneho ako nang sobrang bilis para sundan ang kaibigan ko pauwi sa kanila pagkatapos ng praktis namin ng basketball. Malakas ang ulan noon, at nahihirapan akong makalapit sa kotse niya. Bigla, dumaan ang wiper at luminaw ang windshield ko, at biglang nakita ko ang kotse ng kaibigan ko na nakahinto sa harap ko! Tinapakan ko ang brake, pinapaling ang sasakyan, at tumama ito sa isang malaking puno. Nasira ang kotse. Tapos, nagising ako mula sa comatose sa isang ospital. Kahit nakaligtas ako dahil sa awa ng Dios, napatunayan na napakagastos ng mga pabigla-bigla kong gawi.
Gumawa din ng pabigla-biglang desisyon si Moises na sumingil sa kanya nang malaki. Walang tubig ang mga Israelita sa ilang ng Zin at “nagtipon ang mga tao laban kina Moises at Aaron” (Bilang 20:2). Sinabi ng Dios kay Moises na utusan ang bato at “mula dito aagos ang tubig” (Tal. 8). Sa halip, ang ginawa niya ay “pinalo ng dalawang beses ang bato” (Tal. 11). Sinabi ng Dios, “Dahil sa hindi kayo naniwala sa akin... hindi kayo [makakatapak sa lupang pangako]” (Tal. 12).
Kapag gumagawa tayo ng pabigla-biglang desisyon, pinagbabayaran natin ang bunga niyon. “Kapag ikaw... ay pabigla-bigla madali kang magkakasala” (Kawikaan 19:2). Nawa ay maingat at puno ng panalangin na hanapin natin ang karunungan at gabay ng Dios sa bawat pagpili at pagpapasyang gagawin natin ngayon.