Parang magkakadurug-durog na ang buhay ng blogger na si Kevin Lynn. Sa isang artikulo, ikinuwento niya, “Tinutok ko na sa ulo ko ang baril ... Kinailangan ng Dios na humakbang papasok sa kuwarto at buhay ko. At sa sandaling iyon, nalaman ko kung sino ang Dios.” Namagitan ang Dios at pinigilan si Lynn sa pagpapakamatay.
Pinuno Niya ng karunungan si Lynn at pinaalalahanan ng mapagmahal Niyang presensya. Sa halip na itago ang makapangyarihang pangyayaring ito, binahagi ni Lynn ang karanasan sa mundo, gumawa ng ministry sa YouTube kung saan binahagi niya ang kuwento ng pagbabago niya, maging ng iba.
Nang mamatay ang tagasunod at kaibigan ni Jesus na si Lazarus, marami ang nag-isip na nahuli si Jesus ng dating (Juan 11:32). Apat na araw nang nasa libingan si Lazarus nang dumating si Cristo, pero ginawa Niyang himala ang malungkot na sandaling iyon nang buhayin Niya si Lazarus mula sa patay (Tal. 38). “Hindi baʼt sinabi ko sa iyo na kung sasampalataya ka ay makikita mo ang kapangyarihan ng Dios?” (Tal. 40).
Kung paano binuhay ni Jesus si Lazarus, inaalok Niya tayo ng bagong buhay sa pamamagitan Niya. Dahil sa sakripisyo Niya sa krus, binayaran ni Cristo ang kaparusahan ng ating mga kasalanan at inalok tayo ng kapatawaran nang tanggapin natin ang Kanyang regalo ng biyaya. Pinalaya tayo sa pagkaalipin sa kasalanan, binuhay ng Kanyang walang-hanggang pag-ibig at binigyan ng pagkakataon para mabago ang daan ng ating buhay.