Sa wakas may umampon na sa sampung taong-gulang na si Lyn-Lyn. Pero may takot siya. Napaparusahan kasi siya noon sa bahay-ampunan kahit sa maliit na pagkakamali. Tinanong ni Lyn-Lyn ang umampon sa kanya, “Inay, mahal mo po ba ako?” “Oo,” sagot ng kaibigan ko. Ang sunod na tanong ng bata: “Kapag nagkamali po ako, mamahalin mo pa rin ba ako?
“Mamahalin Mo pa rin ba ako?” Siguro naisip na rin natin ito sa mga panahong pakiramdam natin nasaktan natin ang Dios. Hangga’t nandito tayo sa mundo, magkakamali tayo at magkakasala. Marahil minsan naiisip natin kung nababawasan ba ang pag-ibig ng Dios sa atin dahil sa mga pagkakamali natin?
Tinitiyak ng Juan 3:16 ang pag-ibig ng Dios: Binigay ng Dios ang Kanyang Anak, si Jesus, para mamatay imbes tayo, para kung maniniwala tayo sa Kanya, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Paano kung makagawa tayo ng mali pagkatapos nating maniwala sa Kanya? Alalahanin nating namatay si Cristo para sa atin kahit noong makasalanan pa tayo (Roma 5:8 MBB). Minahal Niya tayo noong pinakamakasalanan tayo, paano pa ngayong anak na Niya tayo?
Tinuturuan at dinidisiplina tayo ng maibiging Ama kapag nagkakasala tayo. Hindi ibig sabihing tinatanggihan na tayo ng Dios (8:1 MBB); pagmamahal ito (Mga Hebreo 12:6 MBB). Mga anak ng Dios, mamuhay tayo nang payapa sa pinagpalang katiyakan na matatag at walang hanggan ang pag-ibig Niya sa atin.