Isang limang-minutong pinagdugtong-dugtong na video ng mga aksidente sa snow ang naging pokus ng isang palabas sa telebisyon. Mga video ng mga karaniwang tao - nagpapadulas sa bubong na balot ng snow, nadudulas habang naglalakad, at sumasalpok sa mga bagay-bagay ang nagbigay aliw sa mga manonood. Pinakamalakas ang tawanan kapag tila ba nararapat sa tao ang nangyari dahil sa sariling kalokohan.
Hindi masama ang mga ganitong video. Pero naihahayag nito ang hilig nating pagtawanan ang iba kapag dumaranas sila ng paghihirap na minsan pa nga sinasamantala natin para sa sariling kapakapan. May ganito rin sa Aklat ni Obadias tungkol sa mga bansang Israel at Edom. Hinatulan ng Dios ang pagkakasala ng Israel.
Nagalak ang Edom at sinamantala ang pagkakataon: ninakawan ang mga Israelita, pinigilan ang kanilang pagtakas, at sinuportahan ang mga kalaban nito (Obadias 1:13-14). Binalaan ng Dios ang mga taga Edom sa pamamagitan ni Obadias: “Hindi mo dapat ikinatuwa ang kapahamakang sinapit ng iyong mga kapatid” dahil sabi ng Dios, “malapit na ang araw ng Aking paghatol sa lahat ng bansa” (Tal. 12, 15 MBB).
Kahit tila nararapat ang paghihirap ng tao, bakit hindi na lang habag ang piliin natin kaysa sa yabang? Wala tayong karapatang husgahan ang kapwa natin. Ang Dios lang ang puwedeng humusga. Sa Dios ang mga kaharian sa mundo (Tal. 21) at Siya lang ang may kapangyarihan ng hustisya at awa.