Atrasado ang pagdating ng mga produkto dahil sa dami ng mga umuorder. Malapit na kasi ang kapaskuhan. Dati mas pinipili naming pumunta sa tindahan mismo para bumili ng mga kailangan namin.
Hindi kasi namin alam kung gaano kabilis darating kapag nag-order kami gamit ang internet. Pero nakahanap ang nanay ko ng mas pinabilis na pagdating ng pinamili kaya ngayon iba na ang pananaw namin. Sanay na kami na siguradong matatanggap sa loob ng dalawang araw ang binili namin at nadidismaya kami kapag naaantala ito.
Nakatira tayo sa mundong sanay sa agarang kasiyahan at hirap sa paghihintay. Pero sa larangang espirituwal, may gantimpala pa rin ang pagiging mapagpasensya. Nang sinulat ang Panaghoy, nagluluksa ang mga Israelita dahil nasira ang Jerusalem sa kamay ng sandatahan lakas ng Babilonia at marami silang kinakaharap na hirap. Subalit, sa gitna ng kaguluhan, matapang na sinulat ng may akda na dahil tiwala siyang tutustusan ng Dios ang pangangailan niya, patuloy siyang magtitiwala sa Dios (Panaghoy 3:24).
Alam ng Dios na sanay tayong mabalisa kapag natatagalan ang kasagutan sa mga panalangin natin. Paalala sa atin ng Biblia na maghintay sa Panginoon. Hindi tayo kailangang lamunin ng pagkabalisa dahil walang kapantay ang habag ng Dios (Tal. 22). Sa tulong ng Dios, kaya nating maging panatag at matiyagang maghintay sa Kanya (Salmo 37:7) dahil tiwala tayo sa pag-ibig at katapatan Niya, kahit nakikipagbuno sa mga panalanging wala pang kasagutan.