Naibenta na ni Olive ang mga bagong gamit niyang pang-dentista at pinapanood niya ang kaibigan habang nilalagay na ang mga pinamili sa kotse nito. Pangarap ni Olive magkaroon ng sarili niyang klinik pero nang ipanganak niya ang anak na may cerebral palsy, alam niyang kailangang tumigil sa pagtatrabaho at alagaan ang anak. “Kung may isang milyong buhay ako, iyon pa rin ang pipiliin ko,” sabi niya sa akin. “Pero hindi madali ang isuko ang pagiging dentista, kasi namatay ang pangarap ko.”
Madalas tayong dumaan sa mga paghihirap na hindi natin maintindihan. Kay Olive, ang hindi inaasahang pagkakaroon ng karamdaman ng anak at ang pagbitaw sa ambisyon. Kay Naomi naman, ang dalamhati ng mamatayan ng buong pamilya. Ang panaghoy niya sa Ruth 1:21, “Ako’y binigyan ng Makapangyarihang Dios ng matinding kasawian sa buhay!”
Pero ‘di alam ni Naomi ang lahat ng bagay tungkol sa buhay niya. Hindi siya pinabayaan ng Dios; ipapanumbalik Nito ang sigla niya sa ibibigay Nitong apo sa kanya, si Obed (Ruth 4:17). Hindi lang sa dadalhin ni Obed ang pangalan ng asawa at anak ni Naomi, magiging ninuno pa mismo siya ni Jesus (Mateo 1:5, 16).
Tinubos din ng Dios ang pasakit ni Olive sa pagsisimula nito ng paglilingkod para sa mga batang may kapansanan sa sistemang nerbiyos tulad ng anak niya. Maaaring makaranas tayo ng panahon ng pasakit, pero puwede tayong magtiwala na sa patuloy nating pagsunod sa Dios, kaya Niyang tubusin ang pasakit natin. Sa pag-ibig at talino Niya, kaya Niyang gawing daluyan ng kabutihan kahit ang mga pasakit natin.